Ihahain ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang isang draft resolution na naglalayong palakasin ang disaster-responsive education systems sa buong rehiyon ng ASEAN.
Si Acidre, na nagsisilbi ring chairperson ng House Committee on Higher and Technical Education, ay naitalaga bilang Head of the Philippine Delegation sa Committee on Social Matters para sa 47th General Assembly of the ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA).
Ayon sa mambabatas, lubhang mahalaga ang usaping ito dahil sa karanasan ng bansa sa mga nagdaang kalamidad. Iginiit niya na sa tuwing may sakuna, napipilitang magsara ang mga paaralan, hindi madaanan ang mga silid-aralan, at napapasan ng mga pamilyang bumabangon pa lamang ang pagkaantala sa pag-aaral ng kanilang mga anak.
Aniya, hindi natin maaaring hayaan na ang pansamantalang pagkaantala sa edukasyon ay maging permanenteng kawalan sa buhay ng isang bata.
Binigyang-diin din ni Acidre na bukod sa paghahanda ng mga paaralan para sa mga emergency, kailangan ding tugunan ang pagkaantala sa pagkatuto na dulot ng matagal na pagtigil ng klase, at matulungan ang mga apektadong estudyante na makabalik at makapagtapos ng pag-aaral.
Aniya, ang mga suliraning ito ay nararanasan din ng iba pang bansa sa ASEAN.
Diin pa ng mambabatas, dahil sa mga kalamidad, public health emergencies, at paglikas ng mga residente, kinakailangan ng tuloy-tuloy na pamumuhunan, maingat na pagpaplano, at pagtutulungan ng buong rehiyon.