Nananatiling on track ang Pilipinas sa pagkamit sa renewable energy targets nito kahit bumitiw sa kontrata ang ilang developer para sa mga proyektog may malaking kapasidad sa kuryente.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, kusang-loob na isinuko ng developers ang kanilang kontrata dahil nakita nilang hindi praktikal o kumikita ang kanilang renewable energy projects.
Aniya, responsibilidad ng developers na alamin muna kung posible, praktikal at kikita ang kanilang proyekto bago ito simulan.
Sa kabilang dako, sinabi ni Energy Assistant Secretary Mandy Romero na pwede pa ring ituloy ng ibang developers ang kanilang proyekto sa mga lugar na binakante ng mga kompanya na bumitiw sa kanilang kontrata.
Aniya, hindi ito dapat ituring na hadlang o kabiguan dahil bahagi ng tungkulin ng Department of Energy na ipatupad ang mga regulasyon at protektahan ang mga mamimili.