Ipinagtanggol ni House Deputy Speaker Janette Garin ang paglilipat ng bahagi ng pondo para sa immunization at iba pang health programs tungo sa medical assistance program sa ilalim ng panukalang 2027 national budget.
Aniya, hindi pa nagagamit ang ilang alokasyon para sa bakuna laban sa pneumonia noong 2025 at 2026, habang nanatili rin umano ang pondo para sa dengue immunization program kahit itinigil na ito noong 2017.
Binanggit din niya ang mababang utilization rate ng Health Facilities Enhancement Program (HFEP).
Ayon kay Garin, batay sa presentasyon ng Department of Health (DOH) sa budget hearings, nasa 11% pa lamang ang nagagamit na pondo ng programa noong huling quarter.
Ia sa mga napunang dahilan ay ang mabagal na proseso ng burukrasya, kabilang ang paulit-ulit na pagpapalitan ng dokumento sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan at tanggapan ng DOH.
Giit ni Garin, mas makabubuting ilaan sa direktang tulong medikal sa mga pasyente ang pondong hindi agad nagagamit upang mabawasan ang kanilang gastusin sa pagpapagamot at makatulong din sa mga ospital.
Kinuwestiyon din niya ang paggastos sa health promotion advertisements at printed materials na aniya’y hindi naman nakararating sa mga target na benepisyaryo.