Pormal nang nanungkulan ngayong November 19 bilang bagong Bureau of Customs (BOC) Commissioner si Charlito Martin Mendoza matapos ang isang taong pamumuno sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Pinalitan ni Mendoza si dating BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na itinalaga bilang bagong pangulo ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Kabilang sa mga prayoridad ni Mendoza ang pagpapalakas ng kampanya laban sa smuggling, partikular sa mga produktong agrikultural, at pagpapabilis ng cargo clearance sa mga pantalan.
Isusulong din niya ang digitalization upang madaling ma-track ng mga importer ang kanilang shipments at maiwasan ang pagkaantala at dagdag na bayarin.
Target din ng bagong pamunuan na makamit ang 1.074 trillion pisong revenue collection ng BOC sa 2027.
Bago ang kanyang panunungkulan sa BIR, nagsilbi rin si Mendoza bilang Department of Finance Undersecretary at District Collector ng Port of Cebu.
Nanumpa si Mendoza noong November 13 matapos italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.