Nanawagan si House Deputy Speaker Maria Rachel Arenas sa mga parlyamento sa Southeast Asia na bigyan ng mas malaking papel ang kababaihang mambabatas sa pagbuo ng mga batas, pambansang badyet at mga polisiya sa seguridad at foreign policy.
Ayon kay Arenas, hindi sapat na magkaroon lamang ng kababaihan sa mga parlyamento kundi mahalagang mabigyan din sila ng puwesto sa mga komite at lideratong may malaking papel sa pagdedesisyon.
Binigyang-diin niya na hindi dapat limitahan ang mga babaeng mambabatas sa mga usaping tradisyonal na iniuugnay lamang sa kababaihan.
Hinimok din niya ang mga bansang miyembro ng ASEAN na tiyaking ligtas ang kababaihang lider laban sa harassment, disinformation at pang-aabuso, lalo na sa online platforms.
Ipinanawagan din niya ang pagsasalin ng mga pangakong ito sa konkretong resulta sa pamamagitan ng batas, alokasyon sa badyet at parliamentary oversight.
Ginawa ni Arenas ang panawagan sa pagtatapos ng Third Women Parliamentarians of AIPA Women Political Leaders Forum.