Isinusulong ng mga mambabatas sa Southeast Asian region ang mas pinaigting na pagtutulungan upang maprotektahan ang mga overseas Filipino workers o OFWs na nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa sa ASEAN.
Ayon kay Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, mahalaga ang regional cooperation upang mas madaling makipag-ugnayan ang Pilipinas sa mga pamahalaan ng ibang bansa sakaling magkaroon ng problemang kinakaharap ang mga Pilipinong manggagawa.
Sinabi ni Hernandez na bagama’t karaniwang nasa Middle East ang maraming OFWs, dumarami na rin ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa iba’t ibang bansa sa Southeast Asia.
Ipinaliwanag niyang sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga miyembrong bansa, mas mapapadali ang paghingi ng tulong para sa mga manggagawang nangangailangan ng proteksiyon.
Dagdag ni Hernandez, kabilang din sa layunin ng regional cooperation ang pagpapalitan ng karanasan at best practices ng mga bansa sa pagpapatupad ng kani-kanilang batas para sa proteksiyon ng mga manggagawa.
Sa pamamagitan nito, inaasahang mas mapapalakas ang koordinasyon ng mga bansa sa ASEAN sa pagtugon sa mga problemang maaaring kaharapin ng kanilang mga manggagawa sa ibang bansa.
