Hinigpitan ng Philippine National Police (PNP) ang mga hakbang para mapalakas ang integridad at pagiging maaasahan ng electronic warrant platform nito.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr., layunin ng hakbang na mapabilis ang mga operasyon ng law enforcement.
Gayundin ay mapahusay ang paghawak sa mga kasong kriminal sa pamamagitan ng maagap na pagpapatupad ng mga warrant na inilabas ng korte.
Bukod dito, nais din ng PNP na maiwasan ang bureaucratic delays o pagkaantala sa pagpapatupad ng mga warrant of arrest.
Kamakailan lang, naipakita ang pagiging epektibo ng platform nang maaresto ang isang pasahero na may nakabinbing warrant of arrest kaugnay ng isang kasong pagnanakaw na isinampa noong 2015.
Hinarang ng mga awtoridad ang suspek sa NAIA Terminal 1 noong September 25 alinsunod sa isang Alert List Order.
Kalaunan, dinala siya sa NAIA Police Station 1 para sa beripikasyon, at kinumpirma ng e-warrant system ang umiiral na warrant laban sa kanya.