Mainit na tinanggap ng mga taga-Eastern Samar si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang pagdating sa bagong reconstructed na Felipe Abrigo Memorial Hospital (FAMH) sa Barangay Poblacion Ward 9-A, Guiuan, Eastern Samar, ngayong araw.
Sinalubong ang Pangulo ng mga opisyal ng lalawigan, kabilang sina Governor Ralph Vincent “RV” Evardone, Congressman Christopher Sheen Gonzales, dating Governor Ben Evardone, at mga Local Chief Executive ng probinsya sa pangunguna ni League of Municipalities of the Philippines (LMP) Eastern Samar President at Guiuan Mayor Analiza Gonzales Kwan. Dumalo rin ang mga health worker at residente ng Guiuan.

Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang inspeksyon sa bagong pasilidad, na itinuturing na mahalagang milestone sa mahigit isang dekadang proseso ng muling pagbangon ng ospital matapos wasakin ng Super Typhoon Yolanda ang dating pasilidad noong Nobyembre 2013.
Sa loob ng mahigit isang dekada, nagpatuloy ang operasyon ng FAMH sa transitional facility sa Barangay Cantahay habang isinasagawa ang reconstruction ng bagong ospital.

Pinondohan ang proyekto sa pamamagitan ng US$8.7 milyon na grant mula sa Korea International Cooperation Agency (KOICA), ₱200 milyong pondong nakuha noon ni Senator Sonny Angara, at mahigit ₱109 milyon mula sa Provincial Government of Eastern Samar.

Kasama ng Pangulo sa pagbisita sina Department of Education Secretary Sonny Angara, Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian, at Department of Health Secretary Dr. Edwin Mercado.
Dumalo rin sina Republic of Korea Ambassador to the Philippines Lee Dong-gy at KOICA Country Director Jung Youngsun bilang mga kinatawan ng pamahalaan ng Korea na sumuporta sa reconstruction ng bagong FAMH.
Magbibigay ang bagong pasilidad ng iba’t ibang serbisyong medikal, kabilang ang emergency medicine, internal medicine, general surgery, clinical laboratory, pediatrics, OB-GYN at radiology.
Sa loob naman ng limang taong development plan, inaasahang itatatag din ang hemodialysis unit, Intensive Care Unit o ICU, CT scan, mammography at laparoscopy.
Sa maikling panayam, pinasalamatan ni Pangulong Marcos ang Gobyerno ng Korea, sa pamamagitan ng KOICA, sa tulong para sa pagtatayo ng bagong FAMH. Ayon sa Pangulo, bunga ito ng pagtutulungan ng iba’t-ibang ahensya at sektor.
Matapos ang inspeksyon sa bagong FAMH, nagtungo naman ang Pangulo sa transitional FAMH sa Barangay Cantahay, Guiuan.
Nakatakda namang pormal na buksan ang bagong FAMH sa Oktubre 7, 2026.