Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng tulong-pinansiyal sa mga rice farmer sa lalawigan ng Cagayan na naapektuhan ng El Niño.
Mula sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., pinangunahan ni Secretary Rex Gatchalian ang distribusyon ng tulong, sa ilalim ng Emergency Cash Transfer (ECT) program, upang masaklolohan ang mga magsasaka kasunod ng naging deklarasyon ng state of calamity sa buong probinsiya.
Maghapon ngayong araw, Nobyembre 28, ay nasa 11,144 na magsasaka mula sa 15 LGU ang target pagkalooban sa apat na payout sites — sa bayan ng Solana, Tuao, Gattaran, at Abulug — na personal ding tinungo ng kalihim, kasama si DSWD Spokesperson Asec. Irene Dumlao.
Sa buong probinsiya, aabot sa 33,072 ang target na benepisyaryo ng tig-P5,250 cash assistance na pinaglaanan ng mahigit P173.6 million na pondo.
Sa kaniyang pananalita sa harapan ng mga magsasaka sa probinsiya, tinitiyak ni Sec. Gatchalian na nakasubaybay ang Pangulong Marcos at ang DSWD sa sitwasyon ng mga magsasaka, lalo ngayon at nagbabadya pa ang ‘very strong’ El Niño.
Sinisiguro, aniya, nila ang maagap at mapagkalingang pagtulong, kung saan magagamit ng mga magsasaka ang mga natanggap na ayuda upang muling makabangon mula sa naranasang krisis.
Samantala, kasama rin ng kalihim sa pangunguna sa pamamahagi ng ECT assistance si Governor Edgar Aglipay at mga alkalde ng iba’t ibang bayan sa probinsiya.