Tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Giovanni Lopez ang tuloy-tuloy at mas pinabilis na pagsasagawa ng mga pangunahing proyektong pang-imprastraktura sa lalawigan ng Cebu.
Ito ay kasunod ng kanyang personal na pag-iinspeksyon sa konstruksyon at rehabilitasyon ng Segment 3A ng Metro Cebu Expressway (MCE).
Sa isinagawang site visit, binigyang-diin ng kalihim ang kahalagahan ng mahigpit na pagbabantay upang matiyak na nasa tamang oras at sumusunod sa mataas na pamantayan ng kaligtasan at kalidad ang bawat bahagi ng proyekto.
Alinsunod ito sa naunang direktiba ni Lopez sa lahat ng regional directors at district engineers ng ahensya, na regular na bumaba sa mga lansangan upang personal na siyasatin ang mga proyekto at agad na tugunan ang anumang depekto o balakid sa konstruksyon.
Ang Segment 3A ng Metro Cebu Expressway ay sumasaklaw sa humigit-kumulang 4.55-kilometrong bahagi ng proyekto sa Lungsod ng Naga na direktang ipinatutupad ng DPWH Region 7.
Sa loob ng ilang taon, dumaan sa matinding pagkaantala ang bahaging ito dahil sa mga isyu sa right-of-way (ROW), mga pagguho ng lupa, at mga usaping pangkalikasan at kaligtasan na nagresulta sa pansamantalang pagpapatigil ng trabaho noon.
Upang mapabilis ang pagsasaayos at patatagin ang lupa sa mga apektadong bahagi, ipinatupad ng DPWH ang mga makabagong engineering interventions tulad ng slope stabilization, jet grouting, at pagdaragdag ng mga mabibigat na kagamitan sa lugar.
Oras na tuluyang makumpleto ang kabuuang 74-kilometrong Metro Cebu Expressway na magdurugtong sa Lungsod ng Naga sa timog at Lungsod ng Danao sa hilaga, inaasahang malaki ang maitutulong nito upang mapaluwag ang matinding daloy ng trapiko sa Metro Cebu.
Bukod sa mas mabilis na biyahe para sa libo-libong motorista at manggagawa araw-araw, magsisilbi rin itong mahalagang tulay para sa mas masiglang komersyo at ekonomiya sa buong rehiyon ng Central Visayas.