Photo courtesy of Department of Social Welfare and Development (DSWD)
Personal na umikot si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian sa kahabaan ng Fernando Poe Jr. (FPJ) Avenue (dating Roosevelt Avenue) upang pangunahan ang pagpapatupad ng Pag-abot Program—ang pangunahing inisyatiba ng ahensya na naglalayong maabot, matulungan, at mabigyan ng bagong pag-asa ang mga indibidwal at pamilyang nananatili sa lansangan.
Kasama ang mga social worker at field personnel ng DSWD, direktang nakipag-ugnayan si Gatchalian sa mga maralitang tagalungsod at pamilyang walang tirahan upang alamin ang kanilang kasalukuyang kalagayan at hikayatin silang sumailalim sa mga programang pangkalinga ng pamahalaan.
Sa ilalim ng Pag-abot Program, hindi lamang pansamantalang kanlungan ang ibinibigay ng DSWD kundi isang pangmatagalang solusyon upang tuluyang makaahon sa kahirapan ang mga benepisyaryo.
Kabilang sa mga pangunahing interbensyon ng ahensya ang pagtulong sa mga nagnanais nang makabalik sa kani-kanilang mga tahanan at lalawigan sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng transportasyon, pabaon, at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) na tatanggap sa kanila.
Pagkakaloob ng puhunan, kasanayan (skills training), at gabay pangkabuhayan upang masiguro na may mapagkukunan ng kita ang mga benepisyaryo sa oras na sila ay makabalik sa komunidad.
Pagsusuri sa kalusugan, pagbibigay ng agarang tulong medikal, at counseling upang matugunan ang pisikal at emosyonal na pangangailangan ng mga indibidwal na matagal nang namuhay sa kalye.
At pagdadala sa mga nangangailangan ng agarang kalinga sa mga processing center at shelter facilities ng DSWD habang pinoproseso ang kanilang mga dokumento at tulong pinansyal.
Binigyang-diin ng ahensya na ang operasyon sa FPJ Avenue ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga mahihinang sektor, lalo na ang mga bata, nakatatanda, at mga pamilyang lantad sa panganib sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang matiyak na ang mga benepisyaryong natulungan ay hindi na muling babalik sa lansangan at magiging produktibong bahagi ng kanilang mga komunidad.