Ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa Manila Electric Company (Meralco) ang pagbabalik ng P1.98 bilyon sa mga konsyumer nito matapos ang muling pagtatasa sa regulatory asset base (RAB) ng kompanya at ang pagbasura sa ilang gastusin sa pensiyon at benepisyo ng mga empleyado.
Sa isang pahayag nitong Huwebes ng gabi, sinabi ng ERC na ang kautusan ay alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong NASECORE v. ERC (G.R. No. 226443). Ang kautusan, na inilabas sa ilalim ng ERC Case Nos. 2001-646 at 2001-900 kaugnay ng unbundling case ng Meralco, ay tinalakay at inaprubahan ng komisyon sa kanilang pulong noong Nobyembre 26.
Magiging epektibo ang refund sa susunod na billing cycle matapos matanggap ng Meralco ang kautusan at makikita ito bilang hiwalay na linya na may nakalagay na “RAB Refund” sa mga electric bill. Ipatutupad ito sa loob ng tatlong buwan o hanggang sa maibalik ang kabuuang halaga.
Makatatanggap ang mga residential at small commercial customer ng refund na P0.2611 kada kilowatt-hour (kWh). Halimbawa, ang isang tahanang kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan ay makakakuha ng bawas na humigit-kumulang P52 kada buwan, o tinatayang P157 sa kabuuan ng tatlong buwan.
“Napapanahon ang refund na ito. Ramdam na ng mga konsyumer ng Meralco ang bigat ng pagtaas ng generation charges dulot ng mas mahal na presyo ng petrolyo, paghina ng piso, at manipis na suplay ng kuryente sa grid,” ani ERC Chairperson at CEO Francis Saturnino Juan.
Dagdag pa niya, titiyakin ng komisyon na maibabalik sa publiko ang nararapat sa kanila sa panahong pinakakailangan nila ito upang maibsan ang epekto ng taas-singil sa kuryente.
Binigyang-diin din ni Juan na alinsunod sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), dapat lamang magbayad ang mga konsyumer para sa mga makatwirang gastusin na kinakailangan upang maihatid ang serbisyo ng kuryente sa pinakamababang halaga. Aniya, hindi ipapasa sa publiko ang mga gastusing hindi kayang ipaliwanag o bigyang-katwiran ng isang utility company.