Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang magbibigay ng diskuwento at libreng pagkuha ng ilang dokumento para sa mahihirap na Pilipinong naghahanap ng trabaho, dito man sa bansa o sa ibang bansa.
Sa ilalim ng House Bill 11628 o Kabalikat sa Hanapbuhay Act, bibigyan ng 20% discount ang mga kuwalipikadong aplikante sa pagkuha ng barangay clearance, NBI clearance, at police clearance.
Libre naman ang TIN card, transcript of records, transfer credentials, authenticated diploma at certificate of good moral character mula sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad.
Saklaw din ng diskuwento ang ilang medical certificate, birth at marriage certificate, TESDA certificates, at civil service eligibility certificates.
Kabilang sa mga kuwalipikado ang mga walang regular na pinagkakakitaan o may kita na mas mababa sa itinakdang poverty threshold.
Ang mga opisyal o kawani ng pamahalaan na tatangging mag-isyu ng certificate of indigency o mabibigong ipagkaloob ang mga benepisyong nakasaad sa panukala sa loob ng 10 araw ay maaaring pagmultahin ng ₱5,000 hanggang ₱20,000 at papatawan ng limang taong diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno, kapag napatunayang nagkasala.
Magtatatag naman ang Philippine Statistics Authority (PSA), katuwang ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng isang centralized database upang subaybayan ang mga benepisyaryo.