Nagpanukala ang Department of Health (DOH) ng ₱1.165 billion na pondo para sa mga gamot at medical supplies bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Super El Niño.
Batay sa ulat ng ahensya, nakapagtala na ng 166 na kaso ng heat-related illnesses ngayong taon hanggang November 23, kabilang ang apat na kaso ng heat stroke.
Binabantayan din ng DOH ang muling pagtaas ng kaso ng cholera at typhoid fever, habang 32 lugar sa 13 rehiyon ang mahigpit na mino-monitor dahil sa pagtaas ng kaso ng dengue.
Inihahanda na rin ng ahensya ang karagdagang hospital beds, medical personnel at cooling areas sa mga ospital sakaling dumami ang mga pasyente.
Samantala, sasailalim pa sa pagsusuri at pag-apruba ang panukalang pondo na sasaklaw sa pangangailangan mula November 2026 hanggang April 2027.