Pinamamadali ni Department of Agriculture (DA) Sec. Francisco Tiu-Laurel Jr. ang imbestigasyon kaugnay sa mga hindi awtorisadong mga baklad o fish cage sa Sual, Pangasinan.
Kasunod nito, inatasan ng kalihim ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na tiyaking mababaklas agad ito sakaling mapatunayan ang mga naging paglabag nito sa batas.
Giit ng kalihim, pagmamay-ari ng mga Pilipino ang likas-yaman ng bansa at hindi ito kailanman maaaring pakinabangan ng mga dayuhan.
Nakasaad aniya sa Saligang Batas na nasa ilalim ng estado ang bawat likas-yaman ng Pilipinas, buhat sa mga lupain, katubigan, mga mineral hanggang sa mga yamang-dagat at iba pa.
Magugunitang inirereklamo ng mga mangingisda at resort operator sa Sual ang 132 na mga hindi awtorisadong baklad na nakita sa Calpay Shoal malapit sa Brgy. Cabalitian na sinasabing pagmamay-ari umano ng mga Tsino.
Anila, labis itong nakaaapekto hindi lamang sa pangaraw-araw na kabuhayan ng mga residente kundi maging ng kanilang turismo.