Pansamantalang ipinagbawa ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng ilang karne, buhay na hayop, at iba pang produktong mula sa Denmark, Finland, Estonia at Greece dahil sa nakitang banta ng mga sakit sa hayop.
Sa bansang Denmark, sakop ng nasabing import ban ang mga buhay na ibon, karne ng manok, at iba pang poultry products, kabilang ang sisiw at itlog matapos makapagtala ng bird flu outbreak.
Ipinagbawal naman ang pag-aangkat ng buhay na baboy, karneng baboy at iba pang produkto nito mula sa Finland at Estonia dahil sa African Swine Fever (ASF).
Sakop naman ng import ban sa bansang Greece ang mga hayop na maaaring kapitan ng foot-and-mouth disease gaya ng baka, baboy, at kambing pati na ang mga produktong mula sa mga ito.
Kasabay nito, ipinahinto ng DA ang pagproseso at pag-isyu ng import clearance para sa mga sakop na produkto. Inatasan din ang mga veterinary quarantine officer na harangin at kumpiskahin ang mga ipinagbabawal na shipment sa mga pantalan.
Layunin ng hakbang na maprotektahan ang lokal na paghahayupan laban sa pagpasok at pagkalat ng mga sakit.