Inanunsiyo na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na pitong lugar sa bansa ang makararanas ng Danger level heat index o ang damang init ng katawan ngayong araw ng Biyernes, November 27.
Sa inilabas na heat index advisory ng PAGASA nagbabala ang ahensya na makararanas ng heat index na 42 degrees Celsius pataas ang mga sumusunod na lugar:
– Coron, Palawan: 43°C
– Puerto Princesa, Palawan: 43°C
– Dipolog, Zamboanga del Norte: 43°C
– Dagupan City, Pangasinan: 42°C
– Cuyo, Palawan: 42°C
– Zamboanga City, Zamboanga del Sur: 42°C
– Butuan City, Agusan del Norte: 42°C
Paalala ng PAGASA, na ang mga residenteng nasa ilalim ng danger level heat index category ay may mataas na tiyansang makaranas ng heat cramps at heat exhaustion, at posible ring mauwi sa heat stroke kung magtatagal ang pagkakabilad sa matinding init.
Ang heat index ay ang sukat ng temperaturang nararamdaman ng isang tao kumpara sa aktwal na temperatura ng hangin.
Sa madaling salita, sinusukat nito ang “human discomfort” o ang antas ng alinsangan at ang “apparent temperature” o ang aktwal na init na nararamdaman ng katawan ng tao.
Kinakalkula ito sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng humidity (antas ng halumigmig) at ng temperatura ng hangin.
Inirerekomenda ng mga awtoridad ang mga sumusunod na pag-iingat sa panahon ng matinding init:
– Uminom ng maraming tubig
– Iwasan ang matagal na pagkakabilad sa direktang sikat ng araw, lalo na sa katanghalian
– Magsuot ng maninipis at maluluwag na damit at gumamit ng sombrero o payong
– Manatili sa malilim at maaliwalas na lugar na may maayos na daloy ng hangin
– Pag-aralan ang pangunang lunas (first aid) para sa mga emergency na may kaugnayan sa matinding init.