Ipinupursige ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na paglago ng turismo sa bansa sa harap ng target na makapagbigay ng trabaho sa mga Pilipino.
Ayon sa Pangulo, ilang mga hakbang ang ginagawa para mapalakas ang turismo gaya ng pag-update sa National Accommodation Standards. Ito ay para makaabot sa mga nagbabagong pangangailangan ng mga turista at maiangkop ang mga hotel at iba pang matutuluyan sa mga kondisyon sa panahon nang matapos ang pandemya.
Bukod dito ay naglunsad din aniya ang Department of Tourism ng kampanyang “Discover More to Love” na layuning mahikayat ang mga Pilipino na maglakbay sa iba’t ibang panig ng bansa sa buong taon.
Nandyan din, dagdag ng Pangulo, ang Filipinization Labelling Program na kung saan ay hinihikayat ang mga hotel at iba pang accommodation establishments na itampok ang kulturang Pilipino at national identity sa kanilang mga serbisyo.