Dapat ipagbunyi ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang aniya’y malayo ng narating kung pag-uusapan ay hindi na pahuhuling paliparan ng Pilipinas sa buong mundo.
Kasunod ito ng pagkakasama ng Time Magazine sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bilang isa sa World’s Best Major Airports.
Ayon kay Pangulong Marcos, dapat lang na ipagsaya ang naturang pagkilala na nagpapakita aniya ng malaking pagbabago sa pangunahing paliparan ng bansa.
Nagsisilbi aniyang pintuan ng mga biyahero patungo sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Pilipinas ang ating mga paliparan kaya’t nakatutuwa sabi ng Punong Ehekutibo na mapansin sa international scene ang malaking pagbabago sa ating mga pangunahing paliparan.
Batay sa ulat, nakuha ng NAIA ang ika-47 puwesto sa 47 major airports na kabilang sa ranking at nakapagtala ng score na 76.46 matapos na pumasa sa pamantayan ng passenger experience at operational performance.