Photo courtesy of DSWD Field Office 5 - Bicol Region
Sumampa na sa mahigit 23 bilyong piso ang halaga ng tulong pinansiyal na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa ilalim ng programang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food and Transport o UPLIFT program.
“Nasa mahigit P23 billion ang ating napamahagi doon sa mga UPLIFT beneficiaries,” pahayag ni DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing.
Ang UPLIFT program ay tugon ng pamahalaan upang tulungan ang mga mamamayang apektado ng nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan, na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa pandaigdigang merkado at mas mabilis na inflation rate.
Ayon kay Dumlao, nahahati sa tatlong grupo ang mga benepisyaryo ng programa: Group 1: Mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Kitchen.
Sa 3.5 milyong kwalipikadong benepisyaryo, 3.2 milyong sambahayan na ang nakatanggap ng tulong.
Group 2: Mga mahihirap at non-poor na mamamayan. Binubuo ito ng 2.5 milyong sambahayan, kung saan 800,000 na ang nakatanggap ng benepisyo. Inaasahang tataas pa ang bilang na ito dahil patuloy ang pamamahagi sa pamamagitan ng mga tranche.
Group 3: Mga miyembro ng Social Security System (SSS) na may buwanang kita na mas mababa sa P20,000. Sa 1.3 milyong sambahayan sa grupong ito, nasa 900,000 na ang nabigyan ng ayuda sa huling tranche.
Sa panayam ng PTV kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, sinabi niyang 3.2 milyon mula sa kabuuang 3.5 milyong benepisyaryo na mula sa Group 1 ang nakakuha ng kanilang UPLIFT aid.
Pumalo naman sa 800,000 benepisyaryo na ang nakatanggap ng UPLIFT aid sa Group 2 mula sa kabuuang bilang nito na 2.5 million households habang 900,000 beneficiaries mula sa kabuuang 1.3 million households ng Group 3 ang nakakuha na ng kanilang UPLIFT assistance.
Pinaalalahanan din ni Dumlao ang mga benepisyaryo sa ilalim ng Group 2 na hanggang Nobyembre 30 na lamang sila maaaring mag-update ng kanilang impormasyon online, kabilang na ang detalye ng kanilang bank account.
Bagama’t maaari pa rin ang manual cashout, hinihikayat ng ahensya ang pagtanggap ng ayuda sa pamamagitan ng mga bank account o electronic wallet para sa mas mabilis na transaksyon.
Samantala, ibinahagi rin ni Dumlao na mahigit ₱1 bilyon na ang naipamahagi ng DSWD bilang tugon sa epekto ng El Niño. Kabilang dito ang mga food pack at iba pang uri ng tulong, kung saan pinakamalaking bahagi—o aabot sa ₱913 milyon—ang naibigay sa pamamagitan ng emergency cash transfer.
🎥 PTV