Photo courtesy of Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)
Makakauwi na sa Pilipinas ang 65 overseas Filipino workers (OFWs) mula Riyadh sa tulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ito na ang magiging ikalawang batch ng nga Pilipinong makakauwi sa Pilipinas mula sa Riyadh matapos na makauwi kanina ang 34 na Pilipinong mula rin sa naturang bansa.
Ayon sa OWWA 50 sa OFW ay nasa pangangalaga ng Saudi recruitment agencies habang ang 15 ay kababaihang OFW mula sa Bahay Kalinga.
Bago umalis, binigyan naman ang mga OFW ng pre-flight orientation at safety briefing upang malinaw sa kanila ang mga detalye ng kanilang biyahe.
Nakahanda naman ang OWWA na magbigay ng airport assistance, transportasyon, pansamantalang matutuluyan, at domestic flight assistance para sa mga uuwi pa sa kanilang probinsya.
Ang pagpapauwi ay alinsunod sa bilin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga OFW sa ilalim ng Saving Lives pillar ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance Program.
Sa kabuuan 399 OFW ang inaayos na ma-repatriate o matulungang mapauwi sa bansa at 299 naman ang may kumpirmadong flight bookings.