Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na walang nanyaring pagdukot o illegal detention sa dating tauhan ni Vice President Sara Duterte, kaya’t walang nangyaring rescue operation.
Ito ayon sa PNP ay kaugnay ng mga kumakalat na alegasyon sa social media tungkol sa umano’y panggigipit sa dating tauhan ng Pangalawang Pangulo gayundin sa apat pang kasama nito.
Kabilang kasi sa mga alegasyon ang umano’y sapilitang pagpapapirma sa mga ito ng isang affidavit na naglalaman ng mga maling paratang at pagbabanta umano sa kanilang buhay.
Lumalabas sa beripikasyon ng PNP noong November 17, dumulog sa Fort Bonifacio Police Sub-Station 1 sa Taguig City ang dalawang abogado ng dating tauhan ni VP Sara para magpasaklolo sa umano’y illegal detention sa isang hotel.
Pero pagdating sa hotel, nakita ng mga pulis na walang bakas ng illegal detention sa lima at kusa naman silang sumama sa presinto para sana kunan ng salaysay.
Subalit, pagdating sa presinto ay tumanggi na ang mga sinasabing biktima na gumawa ng affidavit at wala rin silang itinurong mga indibidiwal na posibleng nasa likod ng umano’y pagdukot at pagbabanta sa kanila.
Paliwanag ng PNP, malinaw na seryosong usapin ang mga inilutang na paratang ng kampo ng dating tauhan ng bise kung totoo man ito.
Gayunman, limitado lamang sa pagbibigay ng police assistance ang naging papel ng PNP gaya na lamang ng kahilingan ng mga abogado na isadokumento ang mga nangyari.
Kaya naman, sinabi ng PNP na mananatili silang patas at walang kinikilingan sa pagtupad sa kanilang tungkulin ngunit hindi sila maaaring gamitin para sa pulitikal o personal na interes ng sinuman.