Nagpasalamat ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa patuloy na suporta ng Estados Unidos sa pagpapalakas ng kakayahan ng militar ng Pilipinas.
Kasunod ito ng pag-apruba ng Amerika sa mahigit $5 bilyon na arms sales sa Pilipinas at sa dagdag na military financing.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Padilla, nakatutulong ang naturang suporta sa patuloy na modernisasyon ng AFP at sa pagpapalakas ng kakayahan ng bansa na ipagtanggol ang sariling teritoryo.
Tiniyak naman ng AFP na dadaan sa masusing pagsusuri at kaukulang proseso ng procurement ang anumang pagbili ng mga armas at kagamitang militar.
Isasaalang-alang din aniya ang operational requirements ng militar at ang mga prayoridad ng bansa pagdating sa pambansang depensa. | ulat ni Diane Lear