Photo courtesy of Rep. Jude Acidre Facebook
Ikinalugod at ipinagpasalamat ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Republic Act No. 12327 o ang Basic Education Voucher Assistance Act.
Bilang isa sa mga pangunahing may-akda ng panukala, sinabi ni Acidre na mahalagang hakbang ito tungo sa pagkakaroon ng mas abot-kaya, patas at de-kalidad na edukasyon para sa mga Pilipinong mag-aaral.
Ayon kay Acidre, layunin ng batas na mabigyan ng mas malawak na pagpipilian ang mga kwalipikadong mag-aaral at kanilang mga pamilya sa pagpili ng paaralang higit na tutugon sa kanilang pangangailangan, sa tulong ng subsidiya mula sa pamahalaan.
Aniya, hindi dapat nakabatay lamang sa kakayahang pinansyal ng isang pamilya ang pagkakataon ng isang bata na makapag-aral sa paaralang nais nito.
Binigyang-diin din ni Acidre na hindi magkatunggali ang mga pampubliko at pribadong paaralan, kundi magkaagapay sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon.
Sa pamamagitan aniya ng batas, maaaring mabawasan ang pagsisikip ng mga pampublikong paaralan at mapalawak ang oportunidad ng mga mag-aaral na makapasok sa mga pribadong paaralan.
Gayunman, iginiit ni Acidre na mahalagang matiyak ang maayos, patas at transparent na pagpapatupad ng batas upang mapunta ang tulong sa mga pamilyang higit na nangangailangan.
Paalala niya na hindi sa dami ng maipamamahaging voucher ang masusukat ang tagumpay ng batas, kundi sa mas maraming batang mabibigyan ng pagkakataong makapag-aral at magkaroon ng magandang kinabukasan.