Tinutukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang mga indibidwal o grupong nasa likod ng mahigit 70 social media post na nanghikayat ng kaguluhan sa kasagsagan ng 49th ASEAN Summit and Related Summits.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Brigadier General Allen Rae Co, tuloy-tuloy ang pagbabantay ng pulisya sa mga naturang post, habang inaalam na ng Anti-Cybercrime Group ang pagkakakilanlan ng mga nasa likod nito.
Laman ng mga post ang panawagang lumabas sa kalsada at maging bayolente.
Napansin din ng PNP na paulit-ulit at pare-pareho ang mga mensahe, kaya posibleng iisa lamang ang pinagmulan ng mga ito.
Kapag natukoy, maaaring maharap ang mga nasa likod nito sa reklamong inciting to sedition at unlawful use of means of publication sa ilalim ng Revised Penal Code, gayundin sa paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012. | ulat ni Diane Lear