Nagpatuloy nitong Huwebes ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos ang isang linggong suspensyon dahil sa ASEAN Summit.
Sa Day 44 ng paglilitis, iniharap ng depensa bilang testigo si dating Anti-Money Laundering Council (AMLC) investigator at certified public accountant Atty. Rainer Dela Fuente upang ipaliwanag ang mga patakaran sa financial investigation at bank confidentiality sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act.
Kinuwestiyon ni Senator-Judge Raffy Tulfo ang pangangailangan sa testimonya ni Dela Fuente tungkol sa bank confidentiality.
Ayon kay Tulfo, hindi na kailangan ang naturang testigo dahil may umiiral nang exemption sa Bank Secrecy Law para sa mga impeachment case.
Samantala, tinanong ni Senate President Sherwin Gatchalian ang testigo tungkol sa mga rekord ng AMLC at Bureau of Internal Revenue (BIR) hinggil sa tinatayang ₱2.7 bilyong transaksiyon sa bangko na may kaugnayan kay VP Sara mula 2009 hanggang 2013.
Kinilala naman ni Dela Fuente na nararapat pang imbestigahan ang mga naturang transaksiyon.
Samantala, humingi ng paumanhin ang Senate Public Relations and Information Bureau (PRIB) matapos aksidenteng magamit ang fire transition effect sa livestream ng paglilitis habang pinangungunahan ni Minority Leader Alan Peter Cayetano ang pambungad na panalangin.
Iniutos naman ni Presiding Officer Chiz Escudero na alisin ang insidente sa rekord ng korte at pinaalalahanan ang PRIB na maging mas maingat.
Ayon kay Escudero, hindi angkop sa isang paglilitis ang naturang insidente. | ulat ni Nimfa Asuncion