Halos sampu sa sampung tsuper ng traysikel, jeep, at iba pang manggagawa sa sektor ng transportasyon na nakatanggap ng ₱5,000 fuel assistance sa ilalim ng UPLIFT program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nagsabing malaki ang naitulong ng ayuda upang maipagpatuloy nila ang pagpapasada sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) na ginawa noong Mayo 26 hanggang 27, 2026 sa 1,200 rehistradong benepisyaryo ng cash relief ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), 96% sa kanila ang nagkumpirma na ang ₱5,000 UPLIFT fuel allowance ang naging daan upang manatili o makabalik sila sa kanilang mga pasada. Ang nasabing survey ay pinondohan ng Social Protection, Inclusion and Gender Equality (SPRING) Program ng pamahalaan ng Australia.
Ikinatuwa ni Executive Secretary Ralph G. Recto ang resulta ng independent survey, at sinabing nagbibigay ito ng malinaw na patunay na nakakarating ang tulong ng pamahalaan sa mga may pinakakailangan nito.
“Mahalaga ang ganitong mga survey dahil nakikita natin kung talagang nakakarating sa tao ang suporta ng gobyerno at kung paano ito nakakatulong sa kanilang pang-araw-araw na buhay. This is proof that the President’s timely assistance is working and making a big difference,” ayon kay Recto.
Bukod sa gastusin sa biyahe at gasolina, ipinakita rin sa survey na nagbigay ng ginhawa ang programa sa iba pang batayang pangangailangan ng pamilya. Walo sa bawat sampung benepisyaryo ang nagsabing ginamit nila ang bahagi ng natanggap na ayuda para bumili ng pagkain.
Sa pangkalahatan, 84% ng mga benepisyaryo ang nagpahayag ng kasiyahan sa pamamahala at pakikitungo ng mga kawani na nangasiwa sa pamamahagi ng ayuda.
Focal point para sa pagsasaayos ng social protection
Sa kabila ng magagandang resulta, lumabas din sa pag-aaral ang mga oportunidad upang lalo pang mapalakas ang social protection ng bansa. Nabatid na mahigit sa ikatlong bahagi (over a third) ng mga na-survey ay hindi pa nakatala sa alinmang programa ng pamahalaan, kabilang ang Social Security System (SSS) at PhilHealth.
“This points to an opportunity to use the DSWD’s existing beneficiary database as a gateway to connect more vulnerable workers with other government services and social protection programs,” diin ni Recto.
Tiniyak ng Kalihim na gagamitin ng administrasyon ang mga nakalap na datos at aral mula sa survey upang mas mapaganda pa ang sistema ng pamamahagi ng tulong at maiugnay ang mga manggagawa sa mas pangmatagalang proteksyon.
“Gagamitin natin ang mga natutuhan sa survey na ito para mapahusay ang paghahatid ng tulong at maiugnay ang mas maraming manggagawa sa mga programang magbibigay sa kanila ng mas matibay na proteksiyon sa oras ng pangangailangan,” dagdag pa niya.
Pinalawak na UPLIFT program
Sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr., pinalawak pa ng gobyerno ang sakop ng cash assistance sa ilalim ng UPLIFT program upang umabot sa 7.5 milyong mahihirap na pamilya para mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at pangunahing bilihin sa pandaigdigang merkado.
Bukod sa mga transport worker, kabilang na rin sa pinalawak na programa ang:
- Mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program;
- Mga pamilyang mahihirap at near-poor na natukoy sa ilalim ng Community-Based Monitoring System (CBMS) na wala sa 4Ps at Walang Gutom Program; at
- Mga low-income workers na nakatala sa SSS.
Ayon sa huling tala noong Oktubre 7, umabot na sa 6.49 milyong Pilipino ang nakatanggap ng unang tranche ng tulong, na may kabuuang halagang ₱19.55 bilyon na naipamahaging ayuda.