Isinusulong ng Sangguniang Panlalawigan ng South Cotabato ang ₱3 milyong tulong pinansyal para sa mga hog raiser na nalulugi sa patuloy na pagbaba ng farmgate prices o presyong natatanggap sa bentahan ng mga alagang baboy.
Sa ilalim ng Resolution No. 2026-477, hiniling ng provincial board kay Governor Reynaldo S. Tamayo Jr. na maglaan ng pondo bilang tugon sa petisyon ng backyard, small-scale at commercial hog raisers sa lalawigan.
Ayon kay Committee Chairperson Nilda B. Almencion, umaabot sa hindi bababa sa ₱1,500 kada ulo ang nalulugi ng mga hog raiser sa karaniwang apat na buwang pagpapalaki ng baboy, hindi pa kasama ang labor at iba pang gastusin.
Tinitingnan din ng pamahalaang panlalawigan ang posibilidad na idaan sa mga lehitimong kooperatiba at asosasyon ang anumang maipagkakaloob na tulong upang matiyak na makararating ito sa mga kwalipikadong hog raiser.