Tuloy ang anim na buwang suspensyon ng Office of the Ombudsman kay Dalaguete, Cebu Mayor Ronald Allan Cesante at lima pang opisyal ng munisipyo matapos ibasura ang kanilang apela kaugnay ng kasong gross neglect of duty sa pagpapatayo ng warehouse sa pribadong lupa.
Sa consolidated order ng Ombudsman, administratively liable rin ang iba pang opisyal, kabilang si Municipal Assessor Edmund Centeno.
Sa imbestigasyon, napag-alaman na ang Special Power of Attorney na ibinigay kay Hetzel Moran ng mga tagapagmana ng may-ari ng lupa ay para lamang sa deed of exchange at hindi sakop ang pagpapatayo ng warehouse.
Si Moran ang nagbigay ng permit to enter na ginamit sa pagpapatayo ng warehouse, kahit hindi umano sakop ng kanyang awtoridad ang pagbibigay ng naturang pahintulot.
Tinanggihan din ng Ombudsman ang depensang Arias Doctrine ni Cesante at iginiit na dapat munang nag-verify ang mga opisyal sa lahat ng tagapagmana bago pinayagan ang konstruksiyon.
Wala ring bagong ebidensyang iniharap ang mga opisyal sa kanilang apela kaya nanatili ang parusang anim na buwang suspensyon nang walang sahod.