Photo courtesy of Atty. Israelito Torreon Facebook
Hiniling ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa Senate Committee on Ethics and Privileges na ibasura ang reklamong inihain ng grupong Wag Kang KuCorrupt laban sa kanya kaugnay ng matagal niyang pagliban o pag-absent sa mga opisyal na tungkulin sa senado.
Sa pormal na sagot ni Dela Rosa sa kumite, na binahagi ng kanyang abugadong si Atty. Israelito Torreon, iginiit nitong hindi sapat ang mga ebidensyang iniharap ng mga nagreklamo at hindi napatunayang may nilabag siyang probisyon ng Konstitusyon o mga patakaran ng Senado.
Kinuwestiyon din ng senador ang limang affidavit na isinumite bilang suporta sa reklamo, dahil aniya magkakapareho ang pagkakasulat ng mga ito at wala sa mga lumagda ang nagsabing personal nilang nalalaman ang kanyang attendance sa Senado.
Para kay Senator Bato, walang sapat na ebidensiya ng sinadyang pag-abandona sa kanyang mga tungkuling lehislatibo o paglabag sa mga patakaran ng Senado.
Kabilang sa kaniyang mga kahilingan sa komite ang tuluyang pagbasura sa reklamo dahil sa kakulangan sa porma at nilalaman.
Hiniling niyang pansamantalang isantabi ang kaso habang hinihintay ang pinal na desisyon ng Korte Suprema sa kaugnay na petisyon.
Hiniling din niyang huwag suspindihin ang operasyon ng kanyang tanggapan, kabilang ang pagpapalabas ng suweldo at operational expenses.
Kaugnay nito, sinabi ni Ethics Committee Chairman Senador Vicente Sotto III na natanggap nila ang sagot ni Dela Rosa nitong sabado, na ipinadala sa pamamagitan ng kanyang abugado via email at hindi personal na pirmado ni Senator Bato. Ang sagot na ito aniya ay ikokonsidera sa susunod na pagdinig ng Ethics Committee.