Iginiit ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na walang kapalit ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Estados Unidos.
Tugon ito ng kalihim sa mga iniulat na kasunduan sa agrikultura at enerhiya na ibinida ni US President Donald Trump pagkagaling niya sa Malacañang ngayong buwan.
Sa pahayag ni Trump sa White House, sinabi niya na napapayag niya si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sa Amerika kumuha ng lahat ng farm at energy imports ng bansa dahil ang US aniya ang maaaring aasahan ng mga Pilipino kapag lumala ang tensyon sa China.
Sa pulong-balitaan sa Camp Aguinaldo, binigyang-diin ni Teodoro na hindi sakop ng anumang economic preconditions ang Mutual Defense Treaty dahil stand-alone na kasunduan ito.
“So tingnan din natin sa context yung message niya pero hindi rin maganda na mahalo yung trade sa defense no dahil may MDT tayo stand-alone yan. So dun naman sa trade issue hayaan natin ang trade negotiators natin sumagot nun. Pero saganang akin there is no tit-for-tat sa trade for defense. Hindi rin naman tayo naghahanap ng ganun klaseng exchange,” ani Teodoro.
