Maglalaan ang Department of Agriculture (DA) ng ₱15 bilyon hanggang ₱18 bilyon para sa mga makinaryang pang-agrikultura at modernisasyon sa 2027.
Kasunod nito, ikinukunsidera din ng Kagawaran ang isang co-investment scheme na maaaring magpalawak nang triple sa tulong ng pamahalaan para sa mekanisasyon at makapagbigay ng oportunidad sa mga maliliit na magsasaka na makasali sa programa.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., kabilang sa iminungkahing pondo ang humigit-kumulang ₱9 bilyon mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), habang ang karagdagang pondo ay magmumula sa iba pang programa ng DA.
Nais din ng DA na mas mapalawak ang paggamit nito sa pamamagitan ng isang bagong sistema ng pagpopondo kapalit ng nakasanayang pamamahagi ng mga traktora, harvesters, at iba pang kagamitan bilang libreng tulong o grant.
Sa ilalim ng iminungkahing co-investment scheme, sasagutin ng pamahalaan ang 20% hanggang 30% ng halaga ng isang makinarya, habang ang natitirang 70% ay popondohan sa pamamagitan ng pautang.