Nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) sa publiko laban sa kumakalat na pekeng impormasyon sa social media na mamamahagi umano ang komisyon ng ₱6,000 na ayuda sa mga rehistradong botante.
Partikular na tinukoy ng COMELEC ang isang video na inilathala ng Facebook account na Cres Jhoerax Vlog na gumagamit umano ng artificial intelligence o deepfake upang magpakalat ng maling impormasyon.
Nilinaw ng komisyon na wala itong anumang programa na nagbibigay ng insentibong pinansyal sa mga rehistradong botante o sa mga nais magparehistro bilang botante.
Libre rin ang pagpaparehistro at walang kailangang bayaran upang makalahok sa halalan.
Pinag-iingat ng COMELEC ang publiko laban sa posibleng phishing scam na gumagamit sa pangalan ng komisyon upang makakuha ng sensitibong personal na impormasyon.
Pinayuhan ang mga mamamayan na huwag basta mag-click ng mga link na ipinapadala sa text message o email at huwag ibigay kaninuman ang kanilang one-time password (OTP), password, at PIN.
Hinikayat din ng COMELEC ang publiko na kumuha lamang ng impormasyon tungkol sa halalan mula sa opisyal nitong website na www.comelec.gov.ph at mga opisyal na social media account.