Nagsanib-pwersa ang Environmental Management Bureau at Korea Environmental Industry and Technology Institute (KEITI) ng South Korea para bumuo ng integrated recycling infrastructure para sa construction at demolition waste sa Metro Manila.
Inilahad ang resulta ng pre-feasibility study sa ginanap na final presentation sa EMB Central Office sa Quezon City.
Ayon kay EMB-NCR Regional Director Atty Janice Pammit, tinalakay sa pag-aaral ang mga plano, polisiya at rekomendasyon para mapahusay ang pangongolekta, pamamahala at pagre-recycle ng mga basura mula sa konstruksyon at demolisyon.
Dumalo sa aktibidad ang mga kinatawan ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang DPWH, MMDA at Public Private Partnership Center.
Sinabi pa ni Director Pammit, layunin ng inisyatiba na mapakinabangan muli ang mga construction waste, mabawasan ang itinatapong basura at maisulong ang mas malinis at sustenableng Metro Manila.