Tiniyak ng Department of Environment and Natural Resources o DENR ang pagpapatupad ng mahigpit na pangangalaga sa kapaligiran sa gitna ng bumibilis na pagsusulong ng Pilipinas sa mga layunin nito para sa renewable energy o nababagong enerhiya.
Inilabas ng ahensiya ang pahayag habang nakikilahok ang Pilipinas sa 31st United Nations Climate Change Conference (COP31) sa Antalya, Turkiye.
Binigyang-diin ni DENR Undersecretary for Finance, Information Systems, and Climate Change Analiza Rebuelta-Teh ang pangangailangang matiyak ang proteksiyon sa kalikasan at kapakanan ng komunidad sa kabila ng mga pag-unlad na ito.
Bahagi umano ito ng “balancing” strategy ng ahensiya sa gitna ng patuloy na paglipat ng bansa tungo sa green energy sa pamamagitan ng mga proyekto sa pagpapaunlad ng offshore wind energy projects.
“Offshore wind projects could contribute to the country’s electricity supply while ensuring that marine resources and coastal communities are protected from potential environmental impacts,” ani Teh.
“Environmental safeguards are not separate from project development; they are essential to ensuring that investments are sustainable over the long term,” dagdag pa niya.
Partikular na nagpatupad ang DENR ng mga progresibong hakbang pang-administratibo upang tugunan ang mga kakulangan sa regulasyon at ang mga posibleng mapanirang epekto sa kapaligiran. Layunin din ng mga ito na maprotektahan ang mga yamang-dagat sa Pilipinas.
“Our objective is to create conditions for responsible offshore wind development while protecting the ecological integrity of our seas and the communities and livelihoods that depend on them,” pahayag ni Teh.
Sa kasalukuyan, patuloy na isinusulong ng Pilipinas ang pagpapalawak ng mga mapagkukunan ng renewable energy upang mabawasan ang pagdepende sa inaangkat na fossil fuels.
Nakaayon pa rin ito sa target ng bansa na maabot ang 35% at 50% na bahagi ng renewable energy sa power generation mix pagsapit ng 2030 at 2040.