BM Featured Image (Facebook Post (Landscape)) (Presentation (16:9)) - Transportation Secretary Jaime J. Bautista
Nagpahayag ng positibong pananaw ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) sa kamakailang pagbabago sa pamunuan ng ilang ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa ekonomiya, imprastraktura at kalakalan.
Ayon sa grupo, inaasahang makatutulong ang reshuffle sa pagpapalakas ng kakayahan, integridad, kahusayan at mga reporma sa serbisyo publiko, gayundin sa pagpapabilis ng pagpapatupad ng mga programa para sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Sa pahayag nitong Huwebes, sinabi ng FFCCCII na hindi lamang dapat ituring na pagbabago sa mga posisyon sa pamahalaan ang naturang hakbang, kundi isang pagkakataon upang muling pasiglahin ang economic development agenda ng bansa at maisalin ang mga pangako at polisiya ng pamahalaan sa konkretong benepisyo para sa ordinaryong mga Pilipino.
Kabilang sa mga pagbabagong tinukoy ng grupo ang muling pagkatalaga kay Vince Dizon bilang kalihim ng Department of Transportation (DOTr), mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), habang si dating DOTr Secretary Giovanni Lopez naman ang pumalit sa kanya sa DPWH.
Itinalaga rin si dating Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Charlito Martin Mendoza bilang bagong commissioner ng Bureau of Customs (BOC), kasunod ng pagkakatalaga kay Rolando Ligon Jr. bilang bagong pinuno ng BIR.
Samantala, si BOC Commissioner Ariel Nepomuceno ang pumalit kay Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President at Chief Executive Officer Joshua Bingcang, na inilipat naman sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA).
Binigyang-diin ng FFCCCII na mahalagang mga haligi ng pambansang competitiveness ang mga naturang ahensiya, kaya umaasa itong magdudulot ang bagong pamunuan ng mas mabilis na pagpapaunlad ng imprastraktura, modernisasyon ng customs at tax administration, at pag-aalis ng mga hindi kinakailangang burukratikong proseso.
Inaasahan din ng grupo na mapalalakas ng mga bagong opisyal ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan, maisusulong ang industriyalisasyon at makalilikha ng mas maayos, malinaw at negosyo-friendly na kapaligiran sa bansa.
Dagdag pa ng FFCCCII, mahalagang magkaroon ng mas predictable na sistema sa mga transaksiyon at regulasyon ng pamahalaan upang mahikayat ang mas maraming pamumuhunan at mapalawak ang mga oportunidad sa negosyo at trabaho.
Kasunod ito ng matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa ika-49 na ASEAN Summit at mga kaugnay na pagpupulong, na ayon sa grupo ay dapat magsilbing pagkakataon upang maisakatuparan ang mga napagkasunduang regional commitments, economic partnerships at investment pledges.
Binigyang-diin ng FFCCCII na kailangang matiyak na ang mga kasunduan at pangakong pamumuhunan mula sa mga regional meeting ay magbubunga ng konkretong benepisyo sa loob ng bansa, kabilang ang paglikha ng trabaho, pagpapalakas ng lokal na industriya at pagpapabuti ng kalagayan ng mga Pilipino.