Nilinaw ng tagapagsalita ng Manila Police District o MPD na si Police Major Philip Ines na nakasalalay na sa korte ang desisyon kung kailan at paano palalayain ang mga raliyistang naaresto sa Maynila matapos magsagawa ng protesta kasabay ng pagdaraos ng 49th ASEAN and Related Summit.
Sa isang pahayag, sinabi ni Ines na wala nang direktang papel, kontrol, o kinalaman ang kapulisan sa usapin ng pagpapalaya sa mga nadakip na demonstrador.
Ayon sa kanya, kapag naisampa na ang kaukulang proseso at mga kaso o dokumento, awtomatikong pumapasok na ito sa hurisdiksyon ng hukuman.
Binigyang-diin ng opisyal na ipinauubaya na ng kanilang hanay ang naturang usapin sa korte, na siyang may tanging kapangyarihan at awtoridad na magpasya hinggil sa kalagayan, piyansa, o paglaya ng mga sangkot sa protesta.
Ang pag-aresto sa mga raliyista ay naganap sa gitna ng mas pinaigting na seguridad at mga protesta sa Maynila kasabay ng mahalagang pagpupulong ng mga lider at kinatawan mula sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN at mga kaalyadong bansa.