Bagaman tapos na ang 49th Association of Southeast Asian Nations o ASEAN Summit, mananatiling mahigpit ang seguridad na ipatutupad sa Metro Manila ng National Capital Region Police Office (NCRPO).
Ito ay para paghandaan ang holiday season o panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.
Ayon kay NCRPO Acting Director Police Brigadier General Christopher Abrahano, inatasan na niya ang limang police district na tiyakin ang deployment ng mga pulis sa Metro Manila.
Partikular ito sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng publiko, kabilang ang mga shopping mall, commercial center, public market, transport terminal, residential communities, at major event venues.
Saad pa ni Abrahano, mananatiling prayoridad ng NCRPO ngayong holiday season ang police visibility, mobile patrols, anti-criminality operations, at emergency response readiness.
Saklaw din ng mga paghahanda sa seguridad ang Simbang Gabi, religious activities, Christmas at year-end party, katuwang ang LGU, barangay at iba pa, para matiyak ang peace and order sa Metro Manila.