Magbibigay ang Japan ng 70 billion Japanese yen o tinatayang 440 million US dollars upang suportahan ang pangunahing programang pang-ekonomiya at ayuda ng pamahalaan ng Pilipinas—ang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance—ayon sa Japanese Foreign Ministry.
Sinabi ni Japanese Foreign Ministry Press Secretary Kitamura Toshihiro na pormal na inanunsyo ang tulong sa bilateral meeting nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Sanae Takaichi kasabay ng 49th ASEAN Summit and Related Summits.
Ayon kay Kitamura, ito ay upang suportahan ang pagpapatupad ng polisiya at mga pagsisikap ni Pangulong Marcos sa pagtugon sa kasalukuyang krisis sa enerhiya at pagtaas ng presyo sa ilang bilihin.
“That is also important for Japan as well because we have more than 1,800 Japanese companies operating here, and they also are facing this crisis in terms of energy or the hike of the price,” saad ni Kitamura.
Sinabi rin niyang makatutulong ang nasabing ayuda upang matiyak ang maayos na operasyon ng mga kumpanyang Hapones sa bansa, na sa tingin niya ay mag-aambag kalaunan sa ekonomiya ng Japan.
“We import a lot of parts or products from the Philippines to Japan and that will lead to ensuring the resilient supply chain because both countries are closely connected in terms of economic and trade investment,” paliwanag ng Japanese official.
Ang UPLIFT ay pinag-isang balangkas ng gobyerno upang tugunan ang epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan sa Pilipinas, kabilang ang mga hakbang upang matiyak ang sapat na suplay ng gasolina at kuryente at mapanatiling abot-kaya ang singil sa pampubliko at komersyal na transportasyon, bukod sa iba pa.
Bukod sa tulong pang-ekonomiya, magkakaloob din ang Japan ng coastal radar system na nagkakahalaga ng 4.3 bilyong Japanese yen para sa Philippine Navy (PN) at mga unmanned aerial vehicle (UAV) para sa Philippine Air Force.
Ayon kay Kitamura, ang radar system na gagamitin para sa pagbabantay at pagmamanman sa baybayin ang magiging unang paglilipat ng kagamitang pangdepensa mula sa Japan patungong Pilipinas.
“Under the OSA (Official Security Assistance) framework, this is record high as assistance from Japan, not only to the Philippines but also to other countries as well. So, this is one of the highlights of the security cooperation between the two countries this time,” dagdag niya.
Inaasahan naman ni PN spokesperson Capt. Marissa Martinez na palalakasin ng mga bagong kagamitan ang kakayahan ng PN sa maritime domain awareness gayundin ng buong Armed Forces of the Philippines.
“It would support the 360-degree maritime domain awareness of the CADC or the Comprehensive Archipelagic Defense concept, as well as the Active Archipelagic Defense strategy of the PN,” pahayag ni Martinez.
Nauna nang binanggit ng Japan Foreign Ministry ang estratehikong lokasyon ng Pilipinas malapit sa mga pangunahing rutang pandagat, kabilang ang South China Sea at Luzon Strait, gayundin ang papel nito sa seguridad sa rehiyon. Inilarawan din nito ang bansa bilang “Comprehensive Strategic Partner” sa pagsusulong ng Japan ng ina-update nitong “Free and Open Indo-Pacific” policy.
Nagbibigay ang programang OSA ng mga grant para sa kagamitan, suplay, at imprastraktura sa sandatahang lakas at iba pang kaugnay na organisasyon ng mga bansang benepisyaryo upang mapalakas ang kanilang kakayahan sa seguridad at paninindigan laban sa banta.