Umapela si Akbayan Party-list Rep. Dadah Kiram Ismula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lagdaan na bilang batas ang panukalang Batang Ligtas Act matapos mabisto ng National Bureau of Investigation o NBI ang planong pamamaril sa isang paaralan sa Batac, Ilocos Norte.
Ayon kay Ismula, dapat magsilbing babala ang insidente na patuloy na nagagamit ang online platforms sa pagre-recruit ng mga kabataan para sa mga gawaing may kaugnayan sa extremism at karahasan.
Nagpasalamat ang kongresista sa mabilis na pagkilos ng NBI matapos maaresto ang tatlong 16-anyos na estudyanteng umano’y sangkot sa planong pag-atake na nakatakdang isagawa sa Disyembre 16.
Binigyang-diin ni Ismula na mahalagang maisabatas na ang Batang Ligtas Act na kapwa niratipikahan na ng Senado at Kamara.
Layunin ng panukala na palakasin ang proteksyon sa mga bata laban sa online sexual abuse and exploitation of children o OSAEC, grooming, at mga mapang-abusong content na minamanipula gamit ang artificial intelligence o AI.
Nagtatakda rin ito ng mas mahigpit na parusa laban sa online recruitment o panghihikayat sa mga menor de edad na makilahok sa mga seryosong gawaing marahas, pananakit sa sarili, at paninira ng ari-arian.