Binigyang-diin ni Star for All Seasons at Batangas Governor Vilma Santos-Recto ang kahalagahan ng aktibong partisipasyon ng mga kabataan sa mga paligsahan tulad ng parol-making contest sa Malacañang upang maipakita at maibida ang kanilang angking talento at pagkamalikhain.
Ayon sa gobernador, napapanahon nang bigyan ng mas malawak na pagkakataon ang kabataan na makibahagi sa mga ganitong gawain, lalo na ngayong mabilis ang pag-usbong ng makabagong teknolohiya.
“It’s about time na ang ating youth ay magkaroon ng participation.”
Binigyang-diin din ni Santos-Recto na malaki ang papel na ginagampanan ng kabataan sa nation-building o pagbubuo at pagpapaunlad ng bansa. Dahil dito, hinikayat niya ang mga kabataan na ipagpatuloy ang tuluy-tuloy na pagkatuto upang makatulong sa pagpapalago ng ekonomiya sa pamamagitan ng sining at pagkamalikhain ng mga Pilipino.
Ang pahayag ng gobernador ay kaugnay ng mga likha at pagsisikap ng mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa bansa na tampok sa pambansang patimpalak sa paggawa ng parol sa tanggapan ng Pangulo, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Kapaskuhan.
