Mas malayo ang mararating ng budget ng mga mamimili sa Marikina Christmas Shoe Bazaar 2026, kung saan makakabili sila ng de-kalidad at abot-kayang sapatos, travel bag, at iba pang panregalo, ayon kay Marikina 1st District Rep. Marcy Teodoro.
Sinabi ni Teodoro na nagbukas ang shoe bazaar noong Nob. 13 sa Marikina Freedom Park at tatagal hanggang Enero 10, 2027 bilang suporta sa mga lokal na industriya ng sapatos.
“Siguradong malayo ang mararating ng budget niyo dito sa Marikina Shoe Bazaar dahil marami kayong mabibiling iba’t ibang produkto gaya ng sapatos, bag, at iba pang panregalo ngayong Pasko,” wika ni Teodoro.
Upang patunayan ito, sumabak si Teodoro sa P2,000 shopping challenge upang ipakita kung gaano karaming produkto ang mabibili sa bazaar sa halagang ito.
“Sa challenge ko, kung hanggang saan aabot iyong aking 2,000 pesos. Naghahanap ako ng isang bag at isang sapatos na magagamit ko,” sabi niya.
Nakabili si Teodoro ng isang pares ng C-Point driving shoes sa halagang P950 lamang, ang factory price nito at mas mababa sa kalahati ng orihinal na presyo nitong P2,000.
“Ang laki pala ng nababawas,” ani Teodoro.
Bumili rin ang mambabatas ng Azulis travel bag sa halagang P810 mula sa orihinal na presyong P900, gayundin ng Havanna pouch na nagkakahalaga ng P100.
“Panalo ho tayo. May natira, may sukli po tayong P140 pesos,” wika niya.
Hinimok ni Teodoro ang publiko na bisitahin ang bazaar at suportahan ang mga lokal na pagawaan ng sapatos at negosyo sa Marikina habang naghahanap ng abot-kayang mga panregalo at iba pang pangangailangan ngayong kapaskuhan.
Ayon sa mambabatas, may 10-porsiyentong diskuwento rin sa bazaar para sa mga kawani ng pamahalaan.