dhsud-condo-4ph - 1
Umabot na sa 5,683 pamilyang kabilang sa urban poor ang nakatanggap ng indibidwal na titulo ng lupa sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ngayong Nobyembre—ang pinakamataas na bilang sa nakalipas na mga taon—ayon sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) nitong Huwebes.
Ipinagkaloob ang mga Transfer Certificate of Title (TCT) sa pamamagitan ng Enhanced Community Mortgage Program (ECMP), na ipinatutupad ng Social Housing Finance Corporation (SHFC), isa sa mga pangunahing ahensya ng DHSUD para sa pabahay.
Ayon sa pinakahuling ulat ng SHFC, nalampasan na ng pamamahagi ngayong taon ang 3,745 titulong ipinagkaloob noong 2025, 3,186 noong 2024, 2,387 noong 2023, at 1,868 noong 2022.
“Patunay ito sa patuloy na paglawak ng Expanded 4PH upang mas maraming pamilyang Pilipino, lalo na ang urban poor, ang makinabang sa programang pabahay na ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.,” pahayag ni DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling.
Ipinag-utos ni Aliling ang pagbuhay at pagpapahusay sa Community Mortgage Program upang mapaglingkuran ang mga komunidad ng urban poor sa ilalim ng Expanded 4PH, habang ang unang bersyon ng 4PH Program ay nakatuon lamang sa vertical housing.
“Asahan ninyo na mas aayusin, palalawakin at patatatagin natin ang pagsusulong ng ECMP sa pamamagitan ng SHFC,” dagdag pa niya.
Inaasahan ng DHSUD na lalampas sa 6,000 ang kabuuang bilang ng mga titulong maipamamahagi pagtatapos ng taon habang patuloy na pinoproseso at inaaprubahan ng kagawaran at ng SHFC ang mga aplikasyon sa ECMP mula sa iba’t ibang komunidad ng urban poor sa bansa.
Kabilang sa mga nakatanggap sa mga kamakailang pamamahagi ang mga benepisyaryong kasapi ng mga homeowners association sa Tanauan City, San Jose del Monte City sa Bulacan, Muntinlupa, Taguig, at Pasig.
Ayon kay Aliling, nagbibigay ang ECMP sa mga Pilipino ng mas marangal na pamumuhay at inspirasyon.