Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Philippine Multisectoral Nutrition Project o PMNP Alagang Pinas Summit 2026 na ginanap ngayong Nobyembre 25 sa Clark, Pampanga.
Layunin ng nasabing pagtitipon na pag-isahin ang mga sektor na may kaugnayan sa nutrisyon upang mapalakas ang mga hakbang kontra malnutrisyon at mapaunlad ang kalusugan at paglaki ng mga batang Pilipino.
Sa temang, “Alagang Pinas Tungo sa Mas Malusog na Bukas: Sustained First 1,000 Days Convergence,” itinatampok ng summit ang mga programa at serbisyo para sa nutrisyon ng mga buntis, ina, at mga bata sa unang sanlibong araw ng kanilang buhay—isang mahalagang yugto para sa kanilang kalusugan at pag-unlad.
Magbabahagi rin ang mga rehiyon at lokal na pamahalaan ng kanilang mga nagawa, karanasan, at epektibong paraan sa paghahatid ng serbisyong pang-nutrisyon sa mga komunidad bilang bahagi ng pagtitipon.
Kasabay nito, nagsisilbi ring pagtatapos ang summit sa apat na taong pagpapatupad ng Philippine Multisectoral Nutrition Project na naglalayong tiyakin ang mas maayos at tuloy-tuloy na suporta sa nutrisyon ng mga ina at bata.
Sa pamamagitan ng mas matatag na kooperasyon ng pamahalaan at iba’t ibang sektor, inaasahang mas maraming batang Pilipino ang magkakaroon ng magandang simula sa buhay.