Pasado na sa Kamara ang panukalang batas na magpapabigat sa parusa laban sa gender-based sexual harassment at magpaparusa sa grooming upang maprotektahan ang mga bata laban sa pang-aabuso.
Aamyendahan ng House Bill 11264 ang Safe Spaces Act o Republic Act 11313.
Sa ilalim ng panukala, papatawan ng pagkakakulong at/o multang ₱300,000 hanggang ₱600,000 ang grooming, kahit hindi ito humantong sa aktuwal na pang-aabuso.
Mandatory ang pagkakakulong kung adult ang suspek at menor de edad ang biktima.
May multa namang ₱250,000 hanggang ₱500,000 para sa sexual harassment sa mga opisina, paaralan, at training institutions.
Para naman sa mga opisyal at kawani ng gobyerno na nagtataguyod o naghihikayat ng sexual harassment at paggamit ng misogynistic, transphobic, homophobic, at sexist slurs, pagmumultahin ng ₱100,000 hanggang ₱200,000 ang first-time offenders at sususpindihin nang walang sahod nang hindi bababa sa anim na buwan.
Para sa mga mauulit na lalabag, maaari nang patalsikin sa puwesto at pagbawalan na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno sa loob ng hindi bababa sa limang taon.
Inaatasan din ang online platforms na alisin ang mapanirang content sa loob ng 24 oras.