Pinagsusumite ng Coast Guard Station Central Cebu ng marine protest ang kapitan ng Oceanjet 168 matapos ang nangyaring sunog sa barko habang bumibiyahe papuntang Ormoc City kahapon, November 22, 2026.
Sinuspindi na rin ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang Passenger Ship Safety Certificate ng apektadong barko.
Ayon kay Coast Guard Central Cebu Station Commander, Captain Jerome Lozada, sa inisyal na report ng kapitan ng barko, nagsimula ang apoy sa starboard engine ng barko matapos itong mag overheat. Agad naman itong naapula ng mga crew.
Ligtas naman na nailipat sa isa pang barko ng Oceanjet ang mga pasahero ngunit ayon sa PCG umabot ng halos tatlong oras bago nailipat ang mga ito sa rescue vessel dahil sa lakas ng alon.
Pinabalik muna sa pantalan ng Cebu ang rescue vessel upang masuri at mabigyan ng kaukulang atensyong medikal ang mga sakay nitong na rescue na mga pasahero.
Bagamat walang napaulat na nasaktan sa insidente, ang ilang mga pasahero ay nakaraas ng hirap sa paghinga.
Nagdeploy naman ng High Speed Response Boat ang PCG upang umalalay sa paghila ng apektadong barko papunta sa shipyard sa Labogon, Mandaue City.
Samantala, humingi naman paumanhin ang pamunuan ng Oceanjet sa mga naapektuhang pasahero at sa kanilang pamilya dahil sa nasabing insidente.
📸 Coast Guard District Central Visayas