36 na resolusyon ang pinagtibay ng Association of Southeast Asian Nations Inter-Parliamentary Assembly o AIPA upang tugunan ang mahahalagang usapin sa rehiyon, kabilang ang seguridad, suplay ng pagkain at enerhiya, artificial intelligence, climate change at proteksyon sa mga manggagawa.
Ayon kay House Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, pinuno ng delegasyon ng Pilipinas sa AIPA, sumasalamin ang mga resolusyon sa nagkakaisang paninindigan ng mga mambabatas sa Southeast Asia na tugunan ang mga hamong nakaaapekto sa tinatayang 700 milyong mamamayan sa rehiyon.
Kabilang sa mga napagkasunduan ang pagpapalakas ng kooperasyon sa ligtas at responsableng paggamit ng artificial intelligence, pagtatatag ng AIPA Advisory Council on Climate Change, at pagpapalawak ng proteksyon sa mga migrant worker, kababaihan at mga bata.
Isinusulong din ng mga resolusyon ang universal health coverage, seguridad sa pagkain at enerhiya, at pagpapatuloy ng edukasyon ng mga bata sa panahon ng kalamidad.
Matapos ang pagpupulong sa Maynila, ipinasa naman ng Pilipinas sa Singapore ang pagkapangulo ng AIPA na siyang magho-host ng ika-48 General Assembly sa 2027.