Aprubado na sa Commission on Appointments (CA) ang pagkakatalaga sa pwesto ni Commission on Audit (COA) Chairman Douglas Michael Mallillin.
Sa kabila ito ng tangkang pagharang ni Senadora Imee Marcos sa kumpirmasyon kay Mallillin makaraang akusahan ang COA na nagagamit sa pag-uusig sa oposisyon.
Bago kasi naaprubahan sa committee level, nagmosyon si Senadora Imee na ipagpaliban muna ang confirmation ng ad interim appointment ni Mallillin dahil hindi siya kuntento sa mga sagot nito kaugnay sa alegasyon ng perceived biased ng COA.
Matapos naman ang maikling break, binawi rin ni Senadora Imee ang mosyon pero pinatitiyak kay Mallillin na tutugunan ang bawat reklamo laban sa COA.
Sa naging talakayan sa committee level, inamin ni Mallillin na nahihirapan ang komisyon na magpatupad ng digitalization kahit matagal na itong nakapaloob sa kanilang mga plano.
Nangako naman ng tulong si Senador Ping Lacson para maisakatuparan ang digitalization ng COA.
Sa datos kailangan ng COA ng software subscription na nagkakahalaga ng P213.6 million at ICT equipment na nasa P525 million.
Samantala, Nahalal at nanumpa na si bagong commission on appointments (CA) secretary Mark Llandro Mendoza at bagong Commission on Appointments (CA) Sargeant-at-Arms Ret. Police Lieutenant General Rhoderick Armamento.
Nanumpa rin bilang bagong miyembro ng CA sina senador mark villar at senador alan peter cayetano. Naaprubahan na rin ng CA ang promotion ng 15 na opisyal ng armed forces of the Philippines (AFP).