Kinumpirma ng Albay Police Provincial Office ang pagkasawi ng media personality na si Adrian Nacion Loterte, na kilala bilang “Golden Boy,” matapos pagbabarilin sa loob ng kaniyang bakery sa Barangay San Roque, Daraga, Albay, nitong Lunes ng hapon, Oktubre 12, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon, dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng kanilang mga motorsiklo ang sangkot sa pamamaril. Patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang kanilang pagkakakilanlan at ang motibo sa krimen.
Kaugnay nito, bumuo si Albay Police Provincial Director PCOL Noel Donato Nuñez ng Special Investigation Task Group o SITG upang pangunahan ang masusing imbestigasyon at matukoy ang mga responsable sa insidente.
Hinimok naman ng Albay PPO ang publiko na magbahagi ng mapagkakatiwalaang impormasyon na makatutulong sa imbestigasyon, upang matukoy at mapanagot sa batas ang mga nasa likod ng krimen.