Ipinakalat ang higit sa 5,000 mga pulis kasama na ang ibang sektor ng seguridad at force multipliers sa loob at labas ng higit 200 mga sementeryo at memorial parks sa Zamboanga Peninsula ngayong Undas.
Ito ay bahagi ng paghahandang pangseguridad ng Police Regional Office 9 sa paggunita ng Undas ngayong taon, upang masiguro ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
Katuwang ng PNP sa papapatrulya at pagbabantay sa mga sementeryo at iba pang matataong lugar ang ibang sektor ng seguridad tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection at Philippine Coast Guard gayundin ang Advocacy Support Group members kabilang na ang mga barangay tanod at mga kasapi ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT).
Ayon kay PLt. Col. Shellamie Chang, tagapagsalita ng Police Regional Office 9, maliban sa ipinakalat na pwersa ng seguridad sa mga sementeryo ay pinagana din ng pulisya ang nasa 253 Police Assistance Centers sa rehiyon.